"EXTENDER






“Six years ka nang nag-aaral, umabot ka na ata sa maximum residency eh…Di ka na pinakawalan ni Oble…Masyado mong mahal ang UP…Tamad tamad mo kasi eh…Puro bulakbol ginagawa mo.”

Yan yung mga paulit ulit na mga katagang naririnig ko sa mga kaibigan ko, at sa pamilya ko, na kahit papaano naman, nakatulong para mapilitan na akong tapusin talaga ang kursong kinuha ko.

Noong lumabas yung UPCAT results, kinakabahan akong tingnan, although una ko nang narinig sa mga kaibigan ko nung high school ako na, nakita daw nila pangalan ko pero di ako naniniwala. I just had to see it for myself. Nag cut pa nga ata ako ng class, para lang pumunta sa internet shop sa tapat ng school namin. Kasi nga, kailangan kong malaman agad-agad, dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ko. Di naman na kasi ako nag-take ng iba pang exams sa ibang school, dahil elementary pa lang ako, naka-set na talaga ang utak ko na magtatapos ako bilang isang Iskolar ng Bayan, bilang isang mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas.

Kaya pag-upo ko sa tapat ng computer, nanginginig ang mga daliri ko sa nerbyos, nanlalamig at nagpapawis ang mga palad ko nung mga panahon na iyon. Hanggang sa, ayun na nga paulit-ulit kong binulong sa sarili ko na, ”Lord, kahit UP Baguio lang”. (Kasi noon di ko pa lubos nauunawaan na pare-pareho lang naman ang lahat ng UP Units.)

Noong araw na iyon, dali-dali akong umuwi sa bahay ng tanghalian, para sabihin sa nanay ko na “MA! PUMASA AKO SA UPCAT!”, at sinagot naman niya ako ng “Buti naman, sabi ko naman sa iyo, kapag ginusto mo, kakayanin mo eh.”

Totoo naman. Kapag may gusto talaga ako, kahit ilang ilog, ilang bundok at ilang bouncer pa sa club ang humarang sa akin, ipagtutulakan ko sarili ko maabot ko lang ang pangarap ko.

Kaya naman nung time na magpapagawa na ang school ng tarpaulin para sa mga estudyanteng pumasa ng UPCAT, nagulat yung iba, dahil tinawag pangalan ko para i-confirm yung spelling. Sa pag-upo ko, tinanong nila ako na talaga namang kitang-kita sa kanila na gulat na gulat sila, “Pumasa ka ng UP!? Paano??” Na para bang dinaya ko ang results. Na para bang nag sisinungaling ako. So sinagot ko sila, every Saturday, every night nag rereview ako. Di ako nag UPLINK, di ako nag avail ng mga mamamahaling libro, nag review lang talaga ako ng mga lumang lessons. Natulog ako ng maaga the night before the exam. Kumain ng madami nung umaga, nagbaon ng tatlong Chuckie, Limang Chips Delight, 10 judge chewing gum at dalawang tubig.

Maisingit ko lang. Naalala ko pa noon, may isang tanong sa exam, di ko na lubos maalala ang detalye, pero alam ko ganito yun.

“Train A leaves at 7:30am and travels 60kph. Train B leaves at 8:30am and travels 65kph. At what distance from starting point will Train B catch up with Train A and how long will train B catch up?”

Jusko hirap na hirap ako dito, talagang pinawisan ako ng todo, nag solve ako ng nagsolve hanggang sa may isang choice na sobrang lapit sa na-solve ko sa scratch paper. Ang sinagot ko ay letter C. C for Chamba (joke). Turns out pagkatapos ng exam, mali yung sinagot ko. Kasi tulad ko, may nakakaalala ng problem na ito, dahil nahirapan din siya. So pinagsama naming utak namin at sinubukan naming i-solve ulit.

Kung anong paghihirap ko sa Mathematics, yun naman ang pagka-relax ko sa English. Di ko alam, parang 1st language ko na din kasi ang English. Lumaki ako sa panonood ng Disney, at Cartoon Network, dumagdag pa noon sa cable ang Nickelodeon, kaya naman dumating din sa point na nililimitahan ako ng mama ko sa panonood ng TV. Pakiramdam niya kasi nakakabobong panoorin si Spongebob na walang ginawa kung hindi sumigaw ng “I’m ready!”  Pero Sadyang makulit lang talaga ako. Di ko alam, basta relate na relate lang talaga ako sa cartoons. Nadagdagan pa ng anime, kaya medyo natuto din ako ng basic Nihonggo.

Bilib na bilib silang lahat sa akin, at hala, ito na si mama, syempre bilang ina, oo nga naman, ipagyayabang mo, at ipagsisigawan mo sa mga kaibigan mo, at kahit na siguro sa mga taong di mo kilala, na ang anak mo ay mag-aaral na sa UP. Nariyan na ang ikukuwento ng mama ko na 2 years old lang nagbabasa na ako ng Tagalog at English. Kinder 2 pa lang ako, alam ko na ang four-fundamental Mathematical operations, kaya ko nang mag basa ng analogue na orasan, mahilig mag drawing, magaling mag swimming, at ang higit sa lahat na talaga naman kahit saan kami mag punta ni mama, di nawawala sa istorya niya ang mga katagang: “Magaling mag-English ang anak ko.”

Hanggang ngayon, di ko parin maintindihan kung bakit, ang mga Pinoy, eh basehan ang English sa katalinuhan ng tao. Kapag hirap ka mag-English, di ka na matalino.

So pasok tayo sa IRRATIONAL EXPECTATIONS ng mama ko. Attainable naman, sadyang di lang talaga kaya ng utak ko. May certain limit din naman kasi.

At dahil sobrang uplifted ang morale ko, at feeling ko ang tali-talino ko na, dahil unang una sa lahat, graduate naman talaga ako ng Science High School. (Wala nga lang honors, at wala rin sa 1st section), ramdam na ramdam ko ang titolong ISKOLAR NG BAYAN. Pero ang di alam ng mga tao, pagka pasok ko ng UP Baguio, AKALA KO MATALINO AT MAGALING NA AKO…yun pala, MARUNONG LANG.

Lahat sila, may kanya kanyang talento, lahat sila kayang mag English, lahat sila magaling mag Algebra, lahat sila kayang kayang isa-puso ang ilan sa mga Republic Acts, samantalang ako, alam ko ang size ng Olympic size pool, alam ko ang material na ginagamit sa paggawa ng gelatin at fruit salad, alam kong mag-drawing ng anime, alam kong mag edit ng videos, mag manipulate ng photos, gumawa ng sulat, ng tula ng kuwento, alam kong mag patintero, mag piko, mag laro ng teks, at mag laro ng jolen samantalang sila, alam nila mula “Mitochondria is the power house of the cell hanggang sa a-squared, plus, b-squared, equals c-squared, hanggang sa kung paano bumagsak si Jose Rizal sa lupa noong binaril siya sa Bagong-bayan”.

Yung tipong, sumagi din sa isipan ko sa wakas na, napaka useless pala talaga ng mga impormasyong naka imbak sa utak ko. Kasi, di ko naman magagamit lahat ng spells na nabanggit sa Harry Potter and the Prisoner of Azkaban sa Psych. 10 ko eh? Di ko rin naman magagamit yung bawat maliliit na detalye sa 10 Things I Hate About You o sa Phantom of the Opera  sa Chem. 1 at Biology 10, o kahit man lang sa Soc. Sci. 10 (The Filipino Family). Pero alam ko, yung mga lived experiences ko, bilang isang only child at adopted child, ay magagamit ko sa mga essays, sa discussion sa loob ng classroom.

Kaya ko din naman talaga makipag sabayan sa mga kaklase ko. Kahit na minsan walang basis yung sagot ko, kundi stocked-knowledge at mga experiences and common observation lang ang mga pinanggalingan ng mga ito.

Kayang-kaya ko ang mga major subjects, pero letchugas de ayala lang din talaga ang mga GE at mga elective subjects ko. Don’t get me wrong, minahal ko din ang Science, lalong lalo na ang Physics at Geology/Earth Science. Di mapapalitan sa puso ko ang excitement kapag malalaman ko na ang susunod na discussion ay tungkol na sa mga planeta, at tungkol na sa mga possibilities ng Black Hole, Worm Holes, at ang death ng isang star, kung paano nabuo ang planet Earth, mga theories about time travel, at na ang boiling stage ay isang cooling process at hindi pala heating process.

Kaya naman, tanging Physics lang ang ang General Education na subject na hindi ko na i-tres. Dahil magaling talaga at nakaka-inspire si Sir Quantum Yuri Lubrica. (Totoo, yan ang pangalan niya.)

Siya ata ang unang professor ko na nagsabi na, Kung may mga bagay kayo na gusto niyong tapusin, don’t forget to have fun while finishing it. Kapag may goal kayo, always aim for the highest goal, para kapag nag-fail kayo, atleast above pa din siya sa inexpect mo. At never magiging basehan ang grades sa katalinuhan ng isang tao. Ang isang matalinong tao, ay yung punong puno ng excitement na matuto, at maka-aquire ng panibagong knowledge.

Hindi yan syempre verbatim, kasi nawala na yung audio recording ko nung last day of classes naming, pero nakalagay yan sa final essay ko na pinasa sa kanya. Ano daw ba ang “take-away-lesson” ko sa Physics 11.

Anyway, masyado nang mahaba ang kuwento ko. Hindi naman ako tamad. Hindi rin ako bulakbol, jusko takot ko lang sa nanay ko. Medyo responsible pa nga ako eh. Hindi ako uma-absent, (nale-late, oo) pero di ko talaga gustong umabsent sa mga klase ko, pero kung a-absent man, yun ay dahil, may tinatapos akong production project sa isa pang subject.

Laging nag e-end-up na cramming yung mga papers ko noon. Ewan ko ba, may planner naman ako, sobrang hilig ko sa planner, pero kadalasan walang nasusunod sa mga naka-plot kong tasks, kasi may biglang darating na org. meet. May biglang kailangan akong tapusin. Siguro di lang ako marunong mag prioritize ng tasks. Kasi kaya ko naman tapusin lahat, pero in the nick-of-time nga lang halos lagi ang dating.

So bakit ako nag extend? Bakit ako inabot ng six years? Never naman akong bumaba sa quota. Never naman akong bumagsak sa kahit na anong subject. Di naman ganoon kadami ang mga tres ko sa TCG (True Copy of Grades). Lagi naman akong nakaka line of uno sa mga major subjects ko, kahit din naman sa minors ko. Nadadale lang talaga ako sa electives eh tsaka mga GEs.

2015 talaga ako ga-graduate. Nakuha ko na lahat ng subjects na kailangan ko, maliban sa isa. Yung thesis ko. Yung thesis ko ang nagpatagal din sa akin. Inabot ako ng halos dalawang taon para matapos yan.

Nagsimula ako ng may ka grupo, pero sabihin na natin na ang dahilan talaga kung bakit ako nawalan ng kagrupo ay, yung pride ko. Sayang din yun. Isang buong semester namin, patapos na yung thesis, Results and Discussion na lang siguro yun, at kaonting RRL, pero di ko man lang pinaglaban. Anyway, di ko na ide-detalye ito. Basta ang labas ay umalis ako sa grupo, at well, back to zero ulit ako, sa loob ng isang semester. (Medyo late na nga din eh, pero pinush ko pa din.)

Hanggang sa tinamad na ako. Hanggang sa nawalan na ako ng gana. Hanggang sa…ayun, inisip ko ang bobo ko. Inisip ko wala talaga akong kuwenta. Inisip ko na di naman kasi talaga ako matalino. Nakita ko na ang mga kaklase kong mag mamartsa na bumibili na ng mga Sablay nila at mga puting damit.

Hanggang sa kinuwestyon ko na ang lahat, kung pumasa ba talaga ako sa UP dahil matalino ako? O dahil, C is for Chamba, and B is for Bahala na, A is for Alam ko talaga at D is for Di ko na kaya, and finally, E is for Ewan ko, None of the above siguro.

Nawalan ako ng tiwala sa sarili ko. Di na ako nagpakita sa adviser ko. Nagtrabaho ako while naka enroll ako for residency. Hanggang sa tuluyan na talaga akong nawalang ng time. Marami kaming pinagdaanan at pinag awayan ng mama ko. Tumira ako sa Baguio for more than 8 months. Hinakot ko lahat ng gamit ko, nakakahiya mang sabihin, pero para na rin ito sa mga taong katulad ko na nahihirapan, at nagdedesisyon kapag galit at malungkot.

Kadalasan mahirap mag bitiw ng mga salitang di mo kayang panindigan, at lalong lalo na ang magdesisyon ng galit, kasi sa bandang dulo, may pagsisisihan ka talaga.

Ito lang din ang masasabi ko. Utang na loob ko ang lahat ng kung anong meron ako ngayon, at kung ano ang mga natapos ko ngayon, sa mga taong hindi nagsawa na pangaralan ako, at tulungan ako.

Mataas ang pride ko pag dating sa ‘katalinuhan’ ba. Yung tipong okay lang kapag sarili ko ang kinukwestyon ko, pero kapag ibang tao na ang nagsabi ng ‘Di ko alam kung matalino ka o bobo ka.’ Ibang usapan na yan. Lalo pa’t pinalaki ako ng nanay ko na pinaramdam at pinaalam niya talaga sa akin na may angking talino naman talaga ako.

Pero mababa din ang pride ko kapag alam ko sa sarili ko na may mga bagay talaga na sadyang di ko na kaya. Kaya umuwi ako sa mama ko, matapos ang walong buwang pagmamalaki. Di ko rin kasi kaya ng sarili ko lang. Umamin ako na kailangan ko din ng tulong ng mama ko.

Kailangan ko din ng tulong ng mga kaibigan ko. Kailangan ko din sina Ma’am Imelda Soriano, Ma’am Julie Tuguinay, Ma’am Kristin Mendoza. Na kailangan ko din naman talaga ang tulong ng adviser ko na si Sir Scott M. Saboy. Na kailangan ko talagang pumunta sa City Hall para kumuha ng impormasyon, na kailangan ko talagang mag interview at kumilos. Mag isip at paganahin ang utak ko.

Di naman kasi matatapos ang thesis sa panonood lang ng How I Met Your Mother at pag saulo ng mga Dothraki phrases sa Game of Thrones na series. Yung tipong mas saulo ko pa ang folklores at history ng A Song of Ice and Fire kesa sa Philippine History. Hindi ko pa maiintindihan yan kung hindi dahil sa pelikulang Heneral Luna.

So bakit nga ba ako nag extend?

Kasi nga pakiramdam ko kaya ko namang maghanap at matanggap sa trabaho, dahil magaling ako sa interviews, magaling akong makipag talastasan, sumagot…MAGALING.AKONG.MAG.ENGLISH. Inisip ko na natapos ko naman na lahat ng subjects ko, may experience na din naman ako sa trabaho, may mga tao ngang hindi nakapag tapos, pero na sa abroad. Paano pa kaya akong isang subject na lang tapos na? Di pa ba nila ako tatanggapin?

Isang subject na lang.

Isang subject…

Isa na lang…

Isa…

Dalawa…

Tatlo…

Apat…

Lima…

Ilang taon kaya ang itatagal ko sa isang trabaho. Ni isa nga wala ata akong tinagalan, dahil nagsasawa ako agad. Na bo-bored ako. Abutin kaya ako ng limang taon sa isang trabaho na hindi ko naman talaga gustong gawin?

Kasi nga di nga ako nakapag tapos. Malamang niyan mapupunta lang ako sa trabahong hindi ko talaga gusto. Malaki nga ang sahod, kasing laki din naman ang gagastusin ko. Wala din akong ipon.

ISANG.SUBJECT.NA.LANG. Ngayon pa ba ako susuko!?”

Masama man ang magiging record ko, dali-dali akong umalis sa trabaho umuwi, para tapusin ang thesis ko. Kasi yun na lang naman eh.

Ayun, buti na lang, nagsawa din ako. Nagsawa din akong magmukmok, nagsawa din akong tamarin, nagsawa din akong itaas ang pride ko.

Inabot ako ng six years sa UP Baguio. Di dahil sa tamad ako, hindi dahil sa bulakbol ako, hindi ko rin naman masabi na dahil kasi bobo ako. Tumagal ako sa UP Baguio, kasi may mga desisyon ako na kahit gusto kong panindigan, mas pinili kong hindi panindigan kasi yun ang mas madaling gawin. Tumagal ako sa UP Baguio kasi itinaas ko ang pride ko, at tinalikuran ang mga taong totoo namang makakatulong sa akin. Tumagal ako sa UP Baguio, hindi dahil nag papicture ako kay Oble, tumagal ako sa UP Baguio kasi kasalanan ko.

Kaya ngayon, itong Sablay na isusuot ko sa June 22, 2017, ay para sa Diyos, na walang humpay na minahal ako, at kung hindi dahil sa grasya Niya, ay wala ako ngayon sa kinatatayuan ko. Itong Sablay na ito, na isusuot ko na may luha sa mata, ay para sa Bayan ko at sa mga taong nakapalibot sa akin, dahil kung hindi dahil sa inyo, wala akong matatapos. Itong Sablay na ito, na isusuot ko habang na sa puso ko ang katotohanang hindi ako karapatdapat na mag suot nito, ay para sa iyo Ma, na sa wakas, ikaw din ay makaka graduate na sa lahat ng kunsumisyon at sama ng loob, sa lahat ng hirap at perang naigastos, sa lahat ng perwisyo at luha at panalangin sa Panginoon, para lang makapagtapos ako.

Sa June 22, 2017, hindi lang ako ang ga-graduate, kung hindi pati narin kayo. Ga-graduate na kayo sa walang humpay na pag bigay niyo ng payo na hindi ko naman sinusunod. Ga-graduate na din kayo sa pakikinig sa walang humpay kong pagrereklamo. 


Tapos na ako. 

Mga Komento